Kasambahay arestado sa nawawalang P4 milyong cash, alahas ng amo

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Roderick Mariano ang suspek na si Rosanna Salvadora, 31.
STAR / File

MANILA, Philippines — Ipinakulong ang isang kasambahay nang matuklasan ng kaniyang amo na nawawala ang kaniyang vault na naglalaman ng cash at mga alahas na may kabuuang halaga na mahigit sa  P4 milyon, sa Las Piñas City, gabi ng Martes.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Roderick Mariano ang suspek na si Rosanna Salvadora, 31.

Sa ulat ng Las Piñas City Police Station, dakong alas-6:00 ng gabi ng Agosto 1, 2023 nang matuklasan ng complainant na si alyas Ysa, 56-anyos, na nawawala ang vault sa kaniyang silid, sa Versailles Daang Hari, Almanza Dos, Las Piñas.

Nang dumating umano ng bahay ang biktima ay kinabahan na siya nang makitang nakabukas ang kaniyang cabinet at agad inalaam kung naroon ang vault na kinalalagyan ng pera at mga alahas.

Nang tanungin ang suspek, sinabi umano nito na nasa dirty kitchen ang vault, na natagpuan naman doon subalit wala na ang mahigit P1,000,000 cash, isang Rolex watch na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, at iba’t ibang uri ng alahas na nasa P2,133,00.00 ang halaga ay wala na.

Inihahanda na ang isasampang reklamong Theft laban sa suspek na nakapiit sa Las Piñas Police custodial facility.

Iniimbestigahan pa ang suspek upang matukoy ang mga naging kasabwat nito, na hinihinalang pinapasok ng suspek sa bahay ng amo.

Show comments