Nakumpiskang mga asukal, idinonate ng BOC sa DA

MANILA, Philippines — Nasa 4,000 metriko tonelada o 80,000 bags ng mga nakumpiskang Thailand white sugar ang idinonate ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Agriculture (DA) upang maipahagi sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno sa pagkain.

Pinirmahan kahapon ang Deed of Donation and Acceptance sa pagitan nina BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio at DA Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban.

Nabatid na nasamsam ang naturang mga asukal noong Enero 12, 2023 nang dumating sa Port of Batangas lulan ng M/V Sunward ngunit natagpuan na walang kaukulang Notice of Arrival. Tuluyan itong nakapasakamay ng gobyerno sa isang desisyon nitong Abril 12.
“[Seized sugar with commercial value and capable of legitimate use may be disposed by the BOC through donation to government institutions”, nakasaad umano sa Paragraph D.1 ng

Sugar Regulatory Administration (SRA) Me­morandum Circular No. 4 series of 2022-2023.
Nitong Hulyo 21 naman inaprubahan ng Department of Finance ang panukalang donasyon ng 4,000 MT refined sugar sa DA.

Sinabi ni Rubio na inaasahan niya na sa pamamagitan ng DA ay makakaabot ang natu­rang donasyon sa iba’t ibang mga lokal na komunidad at magkaroon ng access ang mga mahihirap na Filipino sa asukal.

Show comments