Taas-pasahe ng LRT-1 at LRT-2, lalarga na bukas

Early commuters board the newly deployed 4th generation train set of the Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at various stations in Manila before dawn on July 21, 2023.
STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Magsisimula na bukas, Agosto 2, ang pagpapatupad ng taas-pasahe ng Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 (LRT-2).

Alinsunod ito sa taas-pasahe na inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na ang minimum boarding fee para sa mga naturang rail lines ay nasa P13.29 mula sa kasalukuyang P11.

Samantala, ang inaprubahan namang per ki­lometer rate ay nasa P1.21 mula sa kasalukuyang P1.00.

Batay sa abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na nangangasiwa sa operasyon ng LRT- 1, ang bagong minimum na pasahe sa LRT-1 ay P14 na at ang maximum naman ay P35 para sa Store Value Cards (SVCs).

Para naman sa Single Journey Tickets (SJTs), ito ay nagkakahalaga ng P15 hanggang P35.

Sinabi naman ng DOTr na mula sa kasalukuyang P12 minimum na pamasahe sa stored value o beep card ng LRT-2, ay magiging P14 na ito.

Magiging P33 naman ang maximum fare mula Recto Station hanggang Antipolo Station, mula sa dating P28.

Kung gagamit anila ng SJT ang pasahero, mananatili sa P15 ang mimimum fare habang P35 ang maximum fare mula sa kasalukuyang P30.

Ayon sa DOTr, ang karagdagang pamasahe ay gagamitin para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT-2.

Nabatid na taong 2015 pa ng huling inaprubahan ang fare adjustment para sa naturang rail lines.

Samantala, tiniyak naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, na magbibigay pa rin sila ng 20% discount sa mga pasaherong senior citizen, person with disability (PWD) at mga estudyante.

Pinapayuhan din ng LRTA ang mga pasahero na gu­mamit ng stored value card o beep card para makatipid at makaiwas sa abala.

Show comments