SUV driver na nanagasa ng sekyu, ‘no show’ sa piskalya
MANILA, Philippines — ‘No show’ uli ang SUV driver na si Jose Antonio Sanvicente sa itinakdang pagdinig ng Mandaluyong Prosecutor’s Office kahapon kaugnay sa kasong frustrated murder at abandonment of one’s own victim sa pagsagasa sa guwardiyang si Christian Floralde sa Mandaluyong City kamakailan.
Sa pagdinig, ang biktimang si Floralde lamang ang sumipot sa tanggapan ni Mandaluyong City Prosecutor Jofre Andreon na may hawak ng kaso.
Si Floralde ay iika-ikang nagtungo sa pagdinig kasama ang kanyang abogadong si Atty. Federico Biolena. Dito, tanging abogado ni Sanvicente ang dumalo sa hearing na si Atty. Danny Macalino.
Hindi naman nagbigay ng panayam sa media si Floralde dahil sa hirap pa rin itong kumilos.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang kampo ni Floralde at nagsabing tuloy ang kaso hanggang sa makamit ang hustisya kaugnay ng pananagasa dito.
Nagsumite rin ang kampo ni Floralde ng mga ebidensya kaugnay ng kaso. Tinanggap naman ni Atty. Macalino, abogado ni Sanvicente ang kopya ng reklamo laban sa kliyente.
Binigyan naman ng piskal ng pagkakataon ang kampo ni Sanvicente na magsumite ng counter affidavit sa kaso.
Itinakda ni Fiscal Andreon ang susunod na pagdinig sa kaso sa June 23.
- Latest