Utilization rate sa mga ospital sa NCR, pumapatag na!
MANILA, Philippines — Nakitaan na nang pagpatag ang hospital utilization rate sa National Capital Region (NCR) kasunod sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng impeksyon sa rehiyon, ayon sa Department of Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega.
“Nag-downtrend na, pero nagpa-plateau na ho tayo sa 19% at saka sa mga 20% plus sa intensive care units. Bumaba, pero nagpa-plateau na ang hospital utilization rate dito sa Metro Manila,” ayon kay Vega.
Dahil dito, hindi na rin maglalabas ang DOH ng arawang COVID-19 case bulletin at ginawa na itong lingguhan.
Nakatutok ito ngayon sa kung ilan ang aktibong ‘severe at critical’ na impeksyon at utilisasyon ng ‘intensive care unit (ICU)’.
Nitong Lunes, nag-ulat ang DOH ng 1,055 severe at critical cases habang nasa 25.7% o 807 sa 3,138 ICU beds ang okupado sa buong bansa. Base ito sa mga datos noong Marso 6.
Iniulat naman ng OCTA Research na may average daily attack rate (ADAR) na 1.57 ang NCR mula Marso 1-15, positivity rate na 3%, reproduction rate na 0.24, at healthcare utilization rate na 23%.
“There is always a possibility na magka-surge kasi alam naman natin na itong virus, ‘yung transmission is airborne so kailangan talaga nating mag-ingat lalo na’t nasa Alert Level 1 na tayo,” paalala pa ni Vega.
- Latest