OTL sinuspinde dahil sa pandemya
Overstaying na dayuhan papayagang manatili sa ‘Pinas
MANILA, Philippines — Maaari pa ring manatili sa Pilipinas ang mga “overstaying” na dayuhan makaraang suspindihin ng Bureau of Immigration (BI) ang Order to Leave (OTL) dahil sa konsiderasyon ngayong pandemya.
Ikinatuwiran ni Immigration Commissioner Jaime Morente na ang suspensyon ng OTL sa mga dayuhan na may paso nang “temporary visitor’s visa” ay dahil sa epekto pa rin ng COVID-19 sa mga lokal at internasyunal na biyahe.
“Pursuant to various resolutions from the IATF directing the public to exercise social distancing and minimize travel, and in the interest of public safety and welfare, we will be implementing this order as a form of regulatory relief for foreigners,” pahayag ni Morente.
Tugon din ito ng Pilipinas sa ibinibigay na pagluluwag ng ibang bansa sa mga Pilipino na nasa parehong sitwasyon sa gitna ng pandemya.
Aplikable ang suspensyon ng OTL sa mga may hawak na temporary visitor’s visa na umabot na ng 24-buwan na maximum stay sa mga dayuhang ‘visa required’ at 36-buwan sa mga “non-visa required” mula noong Marso 1, 2020.
Epektibo rin ito sa mga dayuhan na dati nang overstaying sa bansa bago pa sumapit ang Marso 1, 2020.
Sa kabila nito, nilinaw ng BI na kailangan pa rin ng mga dayuhan na magpa-assess at bayaran ang kinakailangang “immigration fees at penalties”.
- Latest