Pulis itinumba sa loob ng barberya
MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis nang barilin ng hindi pa nakikilalang suspect sa loob ng isang barberya sa tapat lamang ng Camp Bagong Diwa, sa Bicutan, Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Patrolman Marcos Guillermo Laggui, nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accoun-ting Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa inisyal na ulat, dakong alas-6:10 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa loob ng isang barber shop sa Paraiso St., Brgy. Central Bicutan, Taguig City.
Nasa loob ng barberya ang pulis na nakasuot pa ng unipormeng camouflage nang pumasok ang ‘di pa kilalang lalaki kung saan agad na pinaputukan ng ilang ulit ang biktima na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan.
Sa pagresponde ng Sub-Station 7 ng Taguig Police Station, dinatnan na ang biktimang duguan ang ulo at katawan. Nagtamo ng tatlong tama ng bala si Laggui habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Sa mga naunang ulat, si Laggui ay isa sa pinangalanan ni dating NCRPO chief, Police Major General Debold Sinas, na ngayo’y PNP chief, na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga kaya’t inalis ito sa Regional Headquarters Support Unit (RHSU) patungo sa RPHAU, may tatlong buwan na ang nakalipas.
Nabatid din na minsan nang nasangkot sa kaguluhan si Laggui at kaniyang kapatid na security guard sa Barangay Claro, Project 3, Quezon City.
Inaresto si Laggui, kapatid nito at ang isang nakaalitan nila dahil sa alarm and scandal.
- Latest