Piskal sa Maynila, patay sa ambush
MANILA, Philippines — Patay ang Chief Inquest Prosecutor ng Manila City Prosecutor’s Office makaraang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang lulan ng kaniyang kotse, kahapon ng umaga sa Paco, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Prosecutor Jovencio Senados, 62, ng Villa Palao, Calamba, Laguna. Hindi naman ginalaw ng mga suspek ang driver ni Senados na hindi muna pinangalanan ng pulisya.
Sa inisyal na ulat ng Ermita Police Station 5, naganap ang pananambang dakong alas-11:05 ng umaga sa panulukan ng Quirino Highway at Anakbayan St. sa Paco, ng naturang lungsod.
Binabagtas niya ang Quirino Highway para pumasok sa serbisyo sa Manila Hall of Justice nang dikitan ang kaniyang kotse ng itim na sports utility vehicle (SUV) lulan ang mga hindi nakilalang salarin at walang habas siyang pagbabarilin. Agad na tumakas ang mga gunman.
Agad naman na nagkasa ang Manila Police District ng follow-up operation at dragnet operation ngunit bigo na madakip ang mga suspek habang isinusulat ang balitang ito.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya para mabatid ang motibo sa pamamaslang kabilang ang pag-alam kung may kinalaman ito sa mga hinahawakan o hinawakang kaso ni Senados.
Kinondena naman ng mga prosecutor ng Maynila ang naganap na pananambang. Sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng hustisya si Senados at mapanagot ang mga taong nasa likod ng krimen.
- Latest