Tondo fire: Magkapatid na paslit patay
MANILA,Philippines — Kapwa nasawi ang magkapatid na paslit nang masunog ang kanilang tahanan sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Aliyah Raine O. Morales, 9, at kanyang kapatid na si Anastacia Marie O. Morales,18-buwang gulang, kapwa residente ng Gagalangin, Tondo.
Sa ulat ng Manila Fire Bureau, dakong alas-9:16 ng umaga nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag sa three storey na bahay ng isang Marina Sia na inookupahan ng mga biktima sa B. Bulacan St., Gagala-ngin, Tondo.
Mabilis namang naapula ang apoy na umabot sa unang alarma at idineklarang fire out alas-9:37 dahil sa konkreto ang yari ng bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Fire Insp. John Joseph Jalique, hepe ng Intelligence Division ng Manila Fire District, pumasok sa trabaho ang mga magulang ng magkapatid at naiwan ang dalawa sa pangangalaga ng lola.
Nabatid na nasa ikatlong palapag ang silid kung saan naroon ang magkapatid nang magkaroon ng sunog at hindi na sila naisalba ng lola na nasa unang palapag ng bahay.
Posibleng dahil sa kitid ng daanan sa ikatlong palapag kaya hindi na nagawang kunin ang mga bata dahil sa apoy at usok dahilan upang ma-suffocate ang mga ito sanhi ng kamatayan.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog na nakapinsala sa tinata-yang P30,000 halaga ng ari-arian.
- Latest