Suntok sabay hablot bagong estilo ng snatchers
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Caloocan City Police ang publiko sa bagong estilo ng mga snatcher na susuntukin muna ang biktima bago hahablutin ang target na gamit makaraang dalawang suspek ang madakip, kahapon ng madaling araw sa naturang lungsod.
Nakaditine ngayon sa Caloocan City Police Detention Center ang mga suspek na sina Marvin Nival, 24, construction worker, at si Christian Mark Flores, 18, mekaniko at kapwa nakatira sa DM Compound, Brgy. 73 ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naglalakad sa may DM Compound ang biktimang si Romer John Adams, 22, dakong alas-3 ng madaling araw nang biglang sumulpot ang dalawang suspek.
Agad na sinuntok ni Nival ang biktima habang hinablot ni Flores ang bag na naglalaman ng isang cellular phone na nagkakahalaga ng P9,000 at pera na aabot umano sa P9,000.
Mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit nadakip din sila sa follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa DM Compound ngunit hindi na narekober ang telepono at pera ni Adams. Nahaharap ngayon ang mga suspect sa kasong Robbery at Physical Injuries.
- Latest