9 tiklo sa drug ops sa Malacañang Complex

MANILA, Philippines — Siyam na indibidwal ang dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) sa serye ng anti-illegal drugs operations sa loob ng Malacañang Complex sa Paco, Maynila, iniulat kahapon.
Iniharap sa media ang mga suspek na sina Rolando C. Laya; Bryan Jason Batrina, alyas Ian; Melvin Santiago; Freddie Nacion Jr.; Esperanza Pido; Joan Garcia; Ronnie Gonzales Lao; Sulpicio Reyes Cassiler Jr. at Leonardo Dela Cruz Asa.
Ayon kay NBI Assistant Director for Intelligence Service Eric Distor, sa bisa ng search warrants ay sinalakay nila ang bahay nina Nacion, Pido at Garcia sa Brgy. 662, Paco, kung saan nasamsam sa mga ito ang 6 na plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Isinailalim din sila sa drug test at nagpositibo ang mga ito.
Kasabay nito, ibang grupo ng NBI-TFAID naman ang nagtungo sa bahay ni Lao sa Brgy. 831 Paco, kung saan naaktuhan naman sa ground floor ng stock room sa isang pot session ang mga suspek na sina Lao, Cassiler at Asa at nasamsam naman ang 8 plastic sachet ng shabu, isang sachet ng marijuana, isang baril na may magazine at kargado ng mga bala.
Nag-ugat ang pag-aresto sa mga suspek nang magbigay ng impormasyon ang Presidential Security Group (PSG) hinggil sa pagtutulak umano ng iligal na droga nila Laya at Batrina sa Malacañang complex. Ikinasa ang buy-bust operation at nagawang makatransaksiyon si Laya at naideliber ito kinabukasan sa loob ng Malacañang compound kung saan inaresto sina Laya, Batrina at Santiago. Positibo rin sila sa paggamit ng droga batay sa drug test results.
Nakakuha rin ng impormasyon sa PSG ang NBI na may iba pang drug den sa loob ng Malacañang Complex dahilan para isunod namang salakayin at madakip ang iba pang suspek. (with trainee Keanna Tiatco)
- Latest
















