Shootout: Holdaper utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang holdaper habang sugatan ang dalawa pang katao, kabilang ang isang pulis matapos magkaroon ng barilan kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nakilala lamang ang nasawing suspect sa pangalang Enjoy Montuerto, 40, residente ng Tabing Dagat, Daang-Hari ng nasabing lungsod, samantalang ginagamot naman sa Tondo Medical Center ang isa pang suspek na si Rolando Sabaulan, 37, at sa panig naman ng pulisya, sugatan din si PO1 Rolando Cruz.

Nadakip naman ang tatlo pang kasamahan ng mga suspect na nakilalang sina Rolando Eugenio, 37, Vladimer Balanza, 18; at Arman Ana, 29, pawang residente ng na­sabing lungsod. Naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa Leongson St., Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng tip mula sa ilang concerned citizen, na pagala-gala ang mga suspek sa nabanggit na lugar na may kahina-hinalang mga kilos.

Pagdating ng mga pulis sa lugar ay kaagad na nagpaputok ng baril ang mga suspek kaya napilitan silang gumanti ng putok kung saan tinamaan ang dalawa sa mga ito na ikinasawi nga ng isa.  

Show comments