Nagyabang sa paglangoy, mister lunod sa baha

MANILA, Philippines - Patay na nang iahon ng mga sumaklolong tambay ang isang 34-anyos na lasing na nag-dive sa umaapaw na Quiapo underpass sa pagyayabang sa kanyang misis na magaling siyang­ lumangoy, kamakalawa ng hapon, sa Quezon Boule­vard, Quiapo, Maynila.

Kinilala ni P/Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Ronald Vasquez at residente sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa tapat ng CM Recto (Quiapo underpass) sa tabi ng Isetann Mall sa panulukan ng CM Recto at Quezon Blvd., Quiapo, Maynila.

Magkasama umano ang biktima at misis na si Jocelyn ma­tapos sunduin ng huli ang una sa inuman sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan. Nang dumaan umano sa Quezon Blvd. ay napansin ng biktima ang mistulang malaking swimming pool na underpass at naisipang magyabang na magaling siyang lumangoy at bigla umanong tumalon sa tubig.

Lumipas ang ilang minuto ay hindi pa  umano lumulutang ang mister kaya nag-alala ang misis kaya nagpasaklolo na ito sa mga lalaking nasa lugar. Ilang tambay naman ang nag-dive hanggang sa matagpuan umano ang biktima sa ilalim ng underpass at iniahon ito, bago isinugod sa kalapit lamang na Dr. Jose Fabella Memorial Hospital kung saan ito sinasabing hindi na umabot ng buhay.

Show comments