Nangholdap ng bebot, tigok

MANILA, Philippines - Patay ang isang kilabot na holdaper sa Divisoria market habang nakatakas ang isang hindi pa kilalang kasama nito nang makipagbarilan sa mga pulis kasunod ng panghoholdap sa isang babae, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Ernesto Tendero, hepe ng Manila Police District-Station 2, ang nasawing suspect na si alyas “Litong Baba”, nakasuot ng puting t-shirt at maong na pantalon at nagtamo ng tama ng bala sa katawan.

Nag-ugat ang barilan nang nagpasaklolo ang biktima na si Rose Prima, 24, ng Infanta St., Tondo.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Mayhaligue at Jose Abad Santos Sts., Tondo Maynila habang nag­la­lakad umano ang biktima nang harangin at holdapin ng dalawang suspect kung saan natangay ang bag na naglalaman ng P450, cellphone at iba pang mahahalagang kagamitan bago tumakas.

Nang mamataan ang nag­ro­rondang pulisya ay itinuro ang direksyon ng holdaper na agad namang humabol sa mga suspect na sa halip na huminto ay agad na nagpa­putok ng baril sa mga awto­ridad.

Gumanti ng putok ng baril ang mga pulis kung saan tinamaan ang isa sa mga suspect. Nakuha sa crime scene ang isang kalibre .38 na pag-aari umano ng suspect.

Show comments