65-anyos pinagnakawan na, pinatay pa ng pamangkin

MANILA, Philippines - Tinali muna ang dalawang kamay bago pinagnakawan at pinatay ang isang 65-anyos­ na lola ng kanyang dalagang pa­mangkin kahapon ng umaga sa Malabon City.

Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Felicitas Navarro, ng Del Monte Avenue, Brgy. Potrero ng nabanggit na lungsod.

Hinahanting naman ng mga kagawad ng Malabon City Police ang suspek na si Tina Trisha, 36, nakatira sa nabanggit na lugar.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:00 ng umaga nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay ang biktima na nakatali ng electrical cord ang mga kamay at duguan ang damit.

Bago ang insidente, ayon sa salaysay ng asawa ng biktima na si Meneleo, 66, bandang alas-11:00 ng gabi, nagpatimpla siya ng kape sa suspek at makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam na siya ng pagkahilo hanggang sa nakatulog.

Umaga na nang magising si Meneleo at agad nitong hinanap ang asawa (biktima) at doon niya nakita ang du­guang katawan nito.

Nadiskubre rin na nawawala ang halagang P4,200 na pera ng misis at iba pang mahalagang kaga­mitan kasabay ng pagkawala ng kanyang pamangkin.

Patuloy naman na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa naturang insidente.

Show comments