Stampede sa pila ng NAPOLCOM: 2 sugatan

MANILA, Philippines - Sugatan ang dalawang katao kabilang ang isang pulis matapos magkaroon ng stampede sa pila ng mga   kumukuha ng application sa entrance at promotional examination ng   NAPOLCOM sa Makati City kahapon. Isinugod sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina PO3 Ricardo Orense, naka­talaga ng Quezon City Police District Office at si Richard Ryan, isang sibilyan, kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Sa report na nakarating sa tanggapan ni Director III Cynthia Navarro, hepe ng NAPOLCOM, NCR Office, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-8:30 at alas-9 ng umaga sa Jacinta Bldg., sa EDSA, Brgy. Guadalupe, Makati City. Bago maganap ang insidente, nabatid na noong Linggo pa, alas-2 ng hapon ay nakapila na ang mga kukuha ng application para sa pagkuha ng entrance at promotional exam na pinatutupad ng NAPOLCOM, na isasagawa sa Oktubre 23 ng taong kasalukuyan. Dahil umuulan ng malakas, pumasok sa nabanggit na building ang mga aplikante at hindi na lumabas ang mga ito. Hanggang sa magkatulakan na naging dahilan ng stampede at nagresulta nang pagkasugat ng dalawang biktima at pagkabasag ng salamin ng nabanggit na tanggapan. Dahil sa insidente ay mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang mga bik­tima, patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.

Show comments