Away ng dalawang bebot: 1 utas sa saksak

MANILA, Philippines -  Patay ang isang 29-anyos na babae nang saksakin ng ka­­away na kapwa babae sa hindi pa nabatid na dahilan sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang nasawing biktima na si Raquel Dumaguit, ng Block. 3 Purok 14 D.H. Tanyag, Taguig, Metro Manila. Nakatakas naman ang suspect na si Juliet Figuera, 29, ng Maria Orosa St., Malate, Maynila. Dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harap ng Heva Money Changer na matatagpuan sa 523 San Andres St., at Madre Ignacia St., Malate, Maynila. Nagkaroon umano ng pagtatalo hanggang sa magpambuno ang biktima at suspect sa harap ng kanilang mga ka-live-in at paulit-ulit din silang inawat. Ilang minuto pa ay muling nagpang-abot ang dalawa at sa pagkakataong iyon ay armado ng patalim ang suspect na inunday niya sa dibdib ng biktima. Duguang bumagsak ang biktima kaya isinugod sa Ospital ng Maynila kung saan idineklarang dead-on-arrival habang ang suspect ay nagmamadali umanong lumayo sa lugar. Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy kung ano ang motibo sa pag-aaway ng dalawa habang nagsasagawa ng follow-up operation upang madakip ang suspect.

Show comments