Tanod todas sa bisperas ng pista

MANILA, Philippines - Isang 44-anyos na barangay tanod ang kauna-unahang nagbuwis ng buhay sa bisperas pa lamang ng Pista ng Sto. Niño, nang may makaalitan at masaksak ito ng isang lalaki  habang nagkikipag-inuman sa Tondo, Maynila, kamaka­lawa ng hapon. Kinilala ni Manila Police District-Homicide Section chief, P/Insp. Armand Macaraeg ang biktima na si Victorino Mascardo Jr., may-asawa,  tanod ng Barangay 76 Zone 7 District 1 Tondo, ng #505 Pitong Gatang, St., Tondo.

Naaresto naman ang suspect na si Benjamin Legaspi Po, 45, ng #1600 Sta. Maria St. at kasalukuyang nakapiit sa MPD-Homicide Section.

 Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, dakong alas-5 ng hapon ng maganap ang insidente sa panulukan ng Pitong Gatang at Sta. Maria  Sts. Kainuman umano ng biktima ang tiyuhin ng suspect na si Antonio Po sa tapat ng bahay ng huli nang komprontahin ng biktima ang suspect na nauwi sa mainitang pagtatalo. Hindi nagustuhan ng suspect ang pinakawalang mga salita ng biktima kaya  pumasok ito sa bahay at pagbalik ay mabilis na inundayan ng saksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng dibdib.

 Nagawa pang kumuha ng bangko ng sugatang biktima upang ihampas sa suspect subalit bumagsak na ito dahil sa dami ng umaagos na dugo. Dahil sa nakitang pagbulagta ng biktima, pumasok ng bahay ang suspect dala ang patalim subalit sinundan na ito ng rumespondeng barangay kagawad na si Rolando Hizon at inaresto. Isinugod pa sa  Mary Johns­ton Hospital ang biktima na idineklarang dead-on-arrival.

Show comments