Nag-amok todas sa pulis

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang helper ng delivery company na sinasabing nag-amok makara­ang mabaril ng pulis kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Idineklarang patay sa Las Piñas General Hospital si Efren Flores-Lapidez, stay-in worker sa Atlas Shippers Delivery Service, Inc. sa Lot 2/4 Block 6, BF Homes, Martinville Portion 2, Brgy. Manuyo 2 sa nabanggit na lungsod.

Sumuko naman sa kanyang kabaro si PO3 Robert V. Bulong na nakatalaga sa tanggapan ng hepe ng pulisya at naka-detail sa Office of the Mayor sa Veracruz Compound, Pelayo St., Brgy. Talon 1.

Sa inisyal na imbestigasyon nina SPO3 Aristotle Raquion at PO3 Ernesto  Bautista Jr., naganap ang insi­dente dakong alas-11 ng gabi sa kahabaan ng Ilang-Ilang St., Paramount Village.

Matapos makatanggap ng impormasyon ay rumes­ponde ang pulisya kasama si PO3 Bulong.

Nang mamataan ni Lapidez na paparating ang mga pulis ay sinugod nito si PO3 Bulong kung saan nakailag naman sa matalim na itak.

Dito na pinutukan ni PO3 Bulong ang nag-amok na biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments