Negosyante todas sa hired killer

MANILA, Philippines - Isang negosyante ang napatay matapos pagbabarilin ng hinihinalang “hired killer” sa Barangay Payatas, Quezon City kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Supt. Benjamin Eleanzano, hepe ng homicide section ng Quezon City Police District, kinilala ang nasawi na si Jovito Hernandez, 50, may –asawa ng Blk. 6 Ponsecha St., Litex Road, Brgy. Payatas.

Si Hernandez ay binawian ng buhay habang isinusugod sa Fairview hospital bunga ng mga tama ng bala sa buong katawan.

Ayon sa ulat ni PO3 Randy Bantillo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Litex Road kanto ng waterhole St. sa Payatas.

Susunduin sana ni Hernandez ang kanyang tauhang si Marlon Bajande nang sumulpot ang suspek at pinaulanan siya ng bala sa katawan.

Ayon sa saksing si Michelle Garte, 30, halos ubusin ng suspek ang bala ng baril nito sa biktima. Naglakad pag­katapos ng pamamaril ang salarin papalayo patungo sa Doña Carmen Subdivision na parang walang nangyari.

Ipinalalagay ni Eleanzano, na posibleng may kinalaman sa negosyo ang dahilan ng pamamaslang sa biktima dahil marami itong napundar tulad ng pampasadang tricycle, jeepney, paupahang bahay, sari-sari store at junkshop.

Show comments