Silicon oil sa puwet ng singer sa butt implant susuriin

MANILA, Philippines - Susuriin ng National Bu­ reau of Investigation ang ta­tanggaling silicon oil mula sa puwet ng singer na si Selina Sevilla upang pag­batayan sa imbesti­gas­yon hinggil sa rekla­mong palpak na butt implant ng isang pekeng doktor.

Ayon kay NBI-Special Action Unit Chief Atty. Angelito Magno, sa ka­sa­lu­­kuyan ay sumasaila­lim sa serye ng operasyon si Se­villa upang maalis ang sili­con oil na pinani­niwalaang ugat ng impek­siyon sa kan­yang katawan at maibalik ang nasirang porma nito.

Ayon sa NBI, kahit may ulat na patay na ang doktor na nagsagawa ng butt implant o nagturok ng silicon oil, patuloy sila sa imbesti­gasyon at hinihintay nila ang samples ng foreign sub­stance na mai-extract mula sa puwet ni Sevilla para suriin ng NBI-Che­mistry Division.

Matatandaang si Sevilla o Sharon S. Simon sa tunay na buhay na sumikat sa awi­ting “Nilunok kong Lahat,” ay nagreklamo laban sa isang Dr. R.A. Eugenio matapos na pu­malpak ang isinagawa nitong butt enhancement sa kanya at naging sanhi pa ng impeksyon.

Ayon kay Sevilla, tinu­rukan siya ng silicon oil ni Eugenio sa kanyang puwet noong 1998 sa house-clinic nito sa 2648 Dominga St. Malate, Maynila kapalit ng P20,000.

Gayunman, kamakailan ay napansin niyang may tuma­tagas na langis sa kan­yang puwetan na nang ipa­suri ay natukoy na naging sanhi na ng impek­siyon ang silicon oil. (Ludy Bermudo)

Show comments