Retiradong US Army nilooban, tinodas

MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa pulisya kung totoong pagnanakaw ang dahilan ng pagpaslang sa isang 60-anyos na retiradong sundalo ng Estados Unidos makaraang madiskubreng wala nang buhay dahil sa tama ng bala sa katawan, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Irvin Conrell Dore, 60, dating miyembro ng United States Army, at naninirahan ngayon sa Purok 4, M.L. Que­zon St., Bagumbayan, Taguig City.

Sa ulat ng Taguig City Police-Investigation and Detective Management Section, nagising sa magkakasunod na putok ng baril ang Pinay na misis ni Dore na si Janice, 29 , dakong ala-1:10 ng madaling-araw. Pinilit umano niya na bumangon kahit na bagong opera pa lamang siya sa matris.

Naabutan pa umano niya ang hindi na­kilalang lalaki na agad na tumakas. Nang puntahan ang banyo ng bahay, dito niya nakita ang duguang bangkay ng kanyang mister na kanyang naisugod sa paga­mutan sa tulong ng mga kapitbahay ngunit hindi na rin umabot ng buhay.

Idineklara naman ng ginang na nawa­wala ang may P45,000 cash na naka­ lagay umano sa bulsa ng bathrobe ng kanyang mister, maging ang mama­haling cell­phone nito.

Mas masusing imbestigasyon naman ang ginagawa ngayon ng mga otoridad sa po­sibleng foul play matapos na ma­batid na walang puwersahang pag­pasok ang naganap sa bahay. Maaari umanong kakilala lamang ng biktima ang salarin na bumaril sa kanya. (Danilo Garcia)

Show comments