Nakitulog, tinodas

MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na con­tract worker ng May­nilad Water Services ang pinagsasaksak hang­gang mapatay ng isang tricycle driver habang nakikitulog siya sa bahay nito sa Bilibid Viejo St., Quiapo, Manila kahapon ng madaling-araw.

Lumilitaw sa pangu­nang pagsisiyasat na naghinala ang suspek na si Joel Orolfo, 31 anyos, na meron umanong re­las­yon ang biktimang si John Paul Burral ng Novaliches, Quezon city sa kanyang kinaka­samang babae nang makitulog ito sa kanyang bahay kasama ng babae.

Binawian ng buhay si Burral habang gina­gamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center bunga ng tinamong sak­sak ng screw driver sa dibdib at likod.

Mabilis na naaresto ng mga rumespondeng kapitbahay si Orolfo.

Nauna rito, nagulat si Orolfo nang, sa pag-uwi niya sa kanyang bahay bandang alas-3:00 ng madaling-araw, nakita niyang natutulog doon si Burral kasama ang live-in partner niyang si Annalyn Sia, 30, at ng kanilang anak.

Dahil sa pagdudu­dang karelasyon ni Annalyn si Burral, walang sabi-sabing sinaksak niya ito sa pamamagitan ng dala niyang screw driver.

Nabatid na madalas na pinapatulog ni Annalyn ang biktima na kaibigan niya dahil malayo ang inuuwiang bahay nito na hindi naman alam ng suspek na madalas hindi umuuwi. (Ludy Bermudo)

Show comments