Lolong may sakit nagbigti

MANILA, Philippines – Inunahan na ng isang 83-anyos na lolo ang mga sakit na tumama sa kanya matapos na kitilin nito ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Nakilala ang nasawi na si   Alejandro Collera, sapatero, at naninirahan sa Shoe Avenue, Brgy. Sto. Niño, ng naturang lungsod.

Sa ulat ni PO3 Joselito Cruz, ng Marikina City police, dakong alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng lolo na nakasabit sa kisame gamit ang isang electrical cord ng kanyang misis na si Loida Collera, 83.

Ayon sa mga anak ng biktima, matagal na umanong may malalang sakit ang kanilang ama sa lalamunan sanhi upang mahirapan itong makakain bukod pa sa paghina ng kanyang ibang mga organ dulot ng katandaan. Ilang beses na rin umanong nagtangkang magpakamatay ito ngunit kanila lamang naaagapan at naaawat .

Isang suicide note rin ang iniwan ng biktima kung saan humingi ito ng tawad sa kanyang pamilya at sinabing hindi na talaga niya makayanan ang hirap ng kanyang sakit at ayaw ring maging pabigat sa mga ito. (Danilo Garcia)


Show comments