Lolo tinodas sa maling tsismis

Isang 52-anyos na lolong tricycle driver ang binawian ng buhay matapos saksakin ng kanyang kapitbahay na umano’y isang "drug addict" dahilan lamang sa maling tsismis kamakalawa sa Caloocan City.

Patay na nang idating sa Jose Reyes Memorial Hospital si Ernani Concepcion, may-asawa, ng 2nd Avenue ng nabanggit na lungsod, dahil sa malalim na saksak sa dibdib.

Nadakip ng pulisya ang suspek na si Federico Garcia, 44, may-asawa, residente ng nabanggit na lugar.

Naghihintay umano ng pasahero sa panulukan ng 2nd Avenue at Rizal Avenue Extension ang biktima bandang tanghali nang lapitan ito ng bangag na suspect at kaagad na inundayan ng isang saksak sa kaliwang dibdib bago mabilis na tumakas.

Napag-alaman sa pulisya na nakasagap ng maling tsismis ang suspek na umano ay kagagawan ng biktima na siya namang nag-udyok sa una para patayin ang huli. (Lordeth Bonilla)

Show comments