2 holdaper dedo sa parak

Dalawa sa anim na holdaper ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa naganap na bigong holdap sa isang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Nasawi noon din ang suspect na sina Wenceslao Maala Jr., samantalang inaalam pa ang pangalan ng isa pang suspect na napatay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling araw sa East Service Road ng PNR Site, Brgy, Western Bicutan, Taguig City.

Ayon sa ulat, sakay sa isang pampasaherong jeep si PO1 Doegracias Basang, nakatalaga sa Regional Special Action Unit (RSAU) Camp Bagong Diwa kung saan sakay din doon ang mga suspect.

Pababa na sa jeep si PO1 Basang nang pigilan siya ng mga suspect at saka nagdeklara ng holdap ngunit pumalag ang nabanggit na pulis, naging dahilan upang saksakin ito sa kaliwang braso ng isa sa mga suspect ngunit buo ang loob ng parak at binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang grupo ng mga holdaper.

Agad na tinamaan ang dalawa sa mga ito na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan. Dahil sa komosyon sa jeep ay bumangga naman ito sa isang bahay malapit sa daan at masuwerte namang walang nadisgrasyang iba.

Nakatakas naman ang apat pa sa mga holdaper. (Lordeth Bonilla)

Show comments