Judge na may alagang duwende nagmakaawa sa SC

Nagmakaawa sa Korte Suprema ang sinibak na hukom na umano’y kumokonsulta sa kanyang mga alagang duwende sa tuwing magsasagawa ng hatol, upang muli siyang maibalik sa posisyon.

Sa 87-pahinang verified second supplement ni dating Malabon Regional Trial Court Judge Florentino Floro, nagmanikluhod ito sa Supreme Court (SC) upang siya ay ibalik sa puwesto dahil sa umano’y kakulangan ng due process sa kasong isinampa laban sa kanya.

Iginiit ni Floro na hindi man lamang umano siya natingnan ng panel o committee ng mga doktor na dapat sana ay binuo din ng SC para siya masuri upang mapatunayan kung siya nga ay may diprensiya sa pag-iisip.

Nais din umano ni Floro na alisin ang isinumiteng report ng psychosis kaugnay sa kanyang paniniwala sa mga duwende, angel of death at ang kanyang prediksyon sa pagbagsak ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Wala rin umanong katotohanan na naaapektuhan ng kanyang paniniwalang spirituwal ang kanyang pagiging hukom kung kaya’t walang mabigat na basehan upang tanggalin siya sa kanyang posisyon.

Sa nasabing apela ni Floro ay malaki umano ang kanyang paniniwala na siya ay nakatakdang makabalik bilang hukom dahil walang mabigat na basehan upang siya ay alisin.

Magugunita na sinibak ng SC si Floro makaraang ireklamo ito dahil sa pagkokonsulta sa mga kaibigang duwende sa paggawa ng desisyon sa mga hawak nitong kaso. (Grace Amargo-dela Cruz)

Show comments