Dalaga ni-rape-slay ng Akyat-Bahay

Isang 20-anyos ang nilooban at ginahasa bago pinatay ng mga hindi nakikilalang mga miyembro ng Akyat Bahay Gang, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Patay na ng matagpuan ng kanyang live-in partner na si Rodel Concejo ang biktimang si Liezl Arnaiz ng Room 2, #1320 CP Garcia St., nabanggit na lungsod.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Benito Cabatbat, may hawak ng kaso, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa loob ng kanyang kwarto sa inuupahan nitong apartment sa nabanggit na lugar.

Nabatid na bago naganap ang insidente ay umalis si Consejo dakong alas-5 kamakalawa ng hapon upang pumasok sa kanyang trabaho bilang isang security guard ng Pier 10 sa North Harbor at naiwanang mag-isa ang biktima sa kanilang tirahan.

Namangha na lamang si Consejo nang umuwi ito ng madaling-araw at matagpuan ang duguang bangkay ng biktima na ang tanging saplot nito sa katawan ay ang kanyang bra at panty lamang.

Lumalabas naman sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na ginahasa muna ang biktima bago pinaslang.

Nadiskubre rin na nawawala ang mga mahahalagang gamit ng biktima tulad na lamang ng kanyang dalawang cellular phone, pera at mga alahas nito na patunay na nilooban din ito bago ginahasa at pinaslang.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspect para sa agarang ikadarakip ng mga ito.

Show comments