Mag-asawang illegal recruiter, timbog

Natimbog ang mag-asawang sangkot sa large scale estafa at illegal recruitment sa isinagawang operasyon laban sa mga ito ng mga tauhan ng Valenzuela City Police kamakalawa ng umaga sa San Mateo, Rizal.

Kinilala ni NPD director Chief Supt. Leopoldo Bataoil ang mga nadakip na sina Jose Luis Catap, 48 at ang asawa nito na si Lara, kapwa residente ng Anita Apartment, Diaz Compound, GD San Mateo, Rizal.

Ang mga suspect ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Nena Santos ng Valenzuela City-RTC Branch 171 sa kasong large scale estafa at illegal recruitment.

Nabatid na mahigit sa 200 katao ang nagsampa ng demanda laban sa mga suspect na sinasabing naloko ng mga ito ng malaking halaga kapalit ng pangakong trabaho sa Japan.

Nang makuhanan ng mag-asawa ng placement fee ang mga biktima ay biglang naglaho ang mga ito sa kanilang tirahan sa Diam St., Brgy. Gen. T. de Leon, Valenzuela City hanggang sa matunton sa pinagtaguan sa Rizal.

Walang piyansa na inirekomenda para sa pansamantalang paglaya ng mga suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments