Manipulasyon kay Ebdane binatikos

Kinukuwestiyon ng mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang umano’y manipulasyon na ginagawa ng tiwaling opisyal kay Secretary Hermogenes Ebdane.

Pansamantalang tumangging ibunyag ng rank-and-file employees ang pangalan ng isang DPWH Undersecretary na gumagawa ng lahat ng paraan upang mapatalsik sa puwesto si Undersecretary Manuel Bonoan.

Sa ginanap na press conference sinabi ng mga empleyado na si Bonoan ang pinakakuwalipikado at senior sa lahat ng DPWH undersecretary subalit nasilat nang masibak si dating DPWH Secretary Florante Soriquez.

Sa katunayan, kinaiinggitan umano ng opisyal na ito si Bonoan dahil sa pagkakatalaga dito ni Ebdane bilang USEC for Operation.

Lumilitaw na madalas umanong regaluhan ng opisyal na ito ang chief of staff at ilang tauhan ni Ebdane kung kaya’t naipuwesto umano nito ang kanyang kaibigang opisyal bilang district engineer sa MM bagama’t kulang sa kuwalipikasyon.

Kasalukuyang humaharap sa kasong unexplained wealth ang nasabing opisyal kabilang na rito ang ilang properties sa Sta. Maria, Bulacan na nagkakahalaga ng P9.8 milyon at iba pang lupain na may halagang P3.4 milyon. (Doris Franche)

Show comments