Mister kinatay ng ka-live-in

Nasawi ang isang mister matapos na saksakin habang natutulog ng kanyang live-in partner makaraang magpasya na ang una na humiwalay sa huli, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa San Bernardino Hospital sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan si Fredivic Azul, ng North Matrix Village, Camarin ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Maria Kyla Goungco, live-in partner ng nasawi na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Lumalabas sa imbestigasyon, na mahimbing na natutulog ang biktima nang biglang pagsasaksakin ng suspect bago mabilis na tumakas.

Ayon sa kasambahay ng biktima na si Rona Baylon, 17, agad niyang tinungo ang kuwarto ng amo makaraang marinig niya ang kakaibang ingay at nang kanyang buksan ang pinto ay tumambad sa kanya ang duguang katawan ng amo.

Mabilis siyang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay at isinugod si Fredivic sa ospital subalit hindi na ito umabot pang buhay.

Ayon sa pulisya, matinding selos ang motibo ng suspect. Ilang araw bago ang insidente ay nag-away pa umano ang dalawa dahil sa makikipagbalikan na ang lalaki sa kanyang asawa. Posibleng hindi ito matanggap ni Maria kaya isinagawa ang krimen. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments