Dalaga nilooban,pinatay pa

Pagnanakaw ang isa sa mga posibleng anggulong sinisiyasat ngayon ng pulisya makaraang 20 ulit na pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang dalaga na natagpuan sa loob ng kanyang kuwarto kahapon ng umaga sa Makati City.

Nakilala ang biktima na si Katherine Joy Ballesteros, 26, clerk at naninirahan sa H. Santos St., Brgy. Tenejeros, Makati City.

Ayon sa ulat natuklasan ni Danilo Arizala, tiyo ng biktima ang naganap na krimen dakong alas-9:30 ng umaga.

Binanggit nito na nagtungo siya sa bahay ng kanyang pamangkin upang mag-igib ng tubig nang makita nito ang duguang bakas ng paa sa sahig ng bahay ng biktima.

Kinabahan si Arizala kung kaya puwersahan nitong binuksan ang kuwarto ng pamangkin at doon nga tumambad sa kanya ang duguang bangkay nito.

Pagnanakaw ang isa sa posibleng motibong sinisiyasat ng pulisya. Malaki rin ang hinala ng mga awtoridad na kakilala ng biktima ang suspect na sadya nitong pinapasok sa bahay makaraang walang nakitang ‘forcible entry’ at maging ang alagang aso nito ay hindi na kumahol. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments