Holdaper nahulog sa manhole

Sa pagnanais na makaiwas sa panggugulpi sa kanya ng taumbayan, isang lalaki ang nahulog sa bukas na manhole matapos nitong hablutin ang cellphone ng isang ginang kahapon ng umaga sa Makati City.

Nakakulong ngayon sa Makati City Police ang suspect na nakilalang si Rudy dela Peña, 34, ng Galicia St. Bacood, Sta. Mesa, Maynila matapos itong ituro ng biktimang si Erlinda Valiente ng Brgy. South Cembo, Makati City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa Yabut St. Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati.

Tumatawag ang biktima habang naglalakad nang biglang agawin ng suspect ang cellphone nito.

Agad na humingi ng saklolo ang biktima na nakatawag naman ng pansin ng taumbayan hanggang sa pinagtulung-tulungang bugbugin ang suspect.

Bagama’t nagawang makawala ng suspect sa mga sumaklolo sa biktima, hindi naman ito nakaiwas sa bukas na manhole at agad na nahulog.

Mabilis din namang umaksiyon ang pulis at ang taumbayan upang makuha ang suspect sa loob ng manhole. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments