Amang nanghalay ng anak, nagbigti

Dahil sa binagabag ng konsensiya matapos na ilang ulit na gahasain ang sariling anak, isang ama ang nagbigti sa loob ng comfort room ng detention cell ng Police Community Precint 7 sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Patay na nang matagpuan si Rodrigo Pajabera, 46, ng Sitio Pag-asa Tamban, Brgy. Tinambak, Camarines Sur.

Ayon sa pulisya, sa pagitan ng alas-9 at alas-10 ng gabi maaaring isinagawa ni Pajabera ang pagpapakamatay sa loob ng detention cell.

Nabatid na nagpaalam ang biktima sa ilang kasamahan nitong preso na iihi lamang subalit ilang oras na ang nakalipas ay hindi pa rin ito bumabalik sa kanyang higaan.

Ilang preso ang nagpasyang tingnan ito sa comfort room subalit laking gulat nila ng makitang nakabigti na ito.

Binanggit pa ng ilang kasamahan nitong preso na ilang araw na umanong nababanggit sa kanila ng nasawi na labis niyang pinagsisisihan ang nagawa niyang kasalanan.

Malaki ang hinala ng pulisya na nakonsensiya ito dahil sa ginawang panghahalay sa sariling anak. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments