Pakistani, pamilya dinakip sa pekeng visa

Dinakip ng mga alertong kagawad ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Pakistani kasama ang kanyang pamilya matapos itong pigiling umalis ng bansa dahil sa pagtataglay ng pekeng Canadian visa.

Kinilala ni Sam Vallada, BI-NAIA head supervisor ang Pakistani na si Syed Ali Mustafa, 29, na nahuli ng mga BI agents sa departure area ng NAIA noong Sabado ng gabi bago ito makasakay ng Philippine Airlines flight patungong Vancouver, Canada.

Kasamang nahuli ang asawang Filipina ni Mustafa at ang dalawa nitong anak, subalit inilagay ang mga ito sa pangangalaga ng National Bureau of Investigation dahil sila’y mga Filipino citizens pa.

Kinumpirma ng Canadian Embassy sa Maynila na peke ang mga visa na nakatatak sa pasaporte ni Mustafa at ng kanyang pamilya.

Nabatid na dumating sa Pilipinas si Mustafa kasama ang kanyang asawa’t anak noong Hulyo 17 sakay ng Thai Airways buhat sa Bangkok.

Sa isinagawang imbestigasyon, nabatid na si Mustafa at ang kanyang pamilya ay biktima ng visa fraud syndicate na nakabase sa Pakistan at siyang responsable sa pagbibigay ng pekeng Canadian visa upang makarating sa Canada.

Inamin ni Mustafa sa mga imbestigador na binayaran niya ng US$8,000 ang pekeng Canadian visa sa isa ring Pakistani na nagngangalang Munir ng Air Master Travel Agency na nakabase sa Sialkot City, Pakistan. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments