Business Permit Inspector patay sa ambush
MANILA, Philippines — Pinagbabaril at napaslang ang Business Permit Inspector ng munisipyo habang sugatan naman ang 10-anyos na batang lalaking bystander sa naganap na pananambang sa Brgy. Gatiawin, Arayat, Pampanga nitong Miyerkules, ayon sa ulat kahapon.
Ang biktimang si Alwin Lapuz, 54-anyos, Business Permit Inspector sa Arayat Municipal Hall ay dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantalang ang 10-anyos na batang lalaki na tinamaan ng ligaw na bala sa hospital ng Arayat ay patuloy na nagpapagaling sa tinamo nitong sugat sa katawan.
Base sa report ng Pampanga Provincial Police Office (PPO), nangyari ang krimen sa Brgy. Gatiawin nasabing bayan dakong alas-7:20 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang umanong sumulpot ang gunman na lulan ng motorsiklo at pinuntirya ng pamamaril ang target na municipal employee.
Habang minalas namang tamaan ng ligaw na bala ang bata na nasa bisinidad ng lugar nang mangyari ang krimen.
Ang salarin ay mabilis na tumakas matapos maisagawa ang pamamaslang sa target na empleyado na sinamantala ang pagpapanik ng mga tao sa lugar.
- Latest


















