Guro na drug pusher, tiklo
MANILA, Philippines — Isang 45-anyos na gurong lalaki sa isang pampublikong eskuwelahan ang inaresto nang mahuli sa aktong nagbebenta ng illegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Poblacion, Compostela, Davao de Oro.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office XI, kinilala ang nasakoteng suspect sa alyas na “Jeston”.
Nakumpiska mula sa suspect ang 73 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P496,000 at mga drug paraphernalia.
Bago ang operasyon ay nakatanggap ang mga otoridad ng impormasyon hinggil sa talamak na pagtutulak ng droga ng suspect kayat agad itong isinailalim sa surveillance.
Nang makumpirma ang illegal na aktibidades ng suspect ay agad na ikinasa ang buy-bust operation bandang alas-10:00 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto dito.
Kasalukuyang nakakulong na ang guro na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest















