Finals target ng Philippines women’s soft tennis team

MANILA, Philippines — Maaari pang tumarget ang Philippine women’s soft tennis team ng kauna-unahang gold medal sa Asian Games kung tatalunin ang host Japan sa semifinal round sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center.
Nakatakda ang duwelo ngayong alas-8 ng umaga.
Umabante ang mga Pinay netters sa semifinals matapos magtala ng 2-1 record sa Group B mula sa 3-0 pagblangka sa Mongolia at 2-1 panalo sa Thailand bago yumukod sa Chinese Taipei, 0-3, sa pagtatapos ng group stage.
Winalis naman ng mga Japanese ang kanilang tatlong laro sa Group A.
“Hindi naman sa nag-e-expect but we are hoping. Our high hopes naman nandun na makapag-medal,” wika ni multi-titled Bien Zoleta. “Ever since nag-paparticipate kami sa Asian Games, alam namin makakatawid kami.”
Ang bronze medal ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa Asiad soft tennis.
Apat na beses nabigo ang tropa na makasampa sa semis para sa tansong medalya sa Asiad.
“Four straight times nakakarating kaming quarterfinals, so ngayon nakatawid na,” dagdag ng four-time Southeast Asian Games gold medalist na si Zoleta.
Kasama ni Zoleta sa national squad sina Princess Catindig, Shyryn Salazar, Christy Sañosa at Hilary Paas.
Sa kabilang banda, minalas naman ang national men’s team na makapasok sa semis.
- Latest




















