Bulldogs sinakmal unang panalo

MANILA, Philippines — Minarkahan ng National University ang kanilang karta ng unang panalo matapos nilang pagulungin ang University of the East, 76-56 sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kahapon.
Ipininta ang 1-1 win-loss record, naging pa-birthday ng Bulldogs ang panalo sa head coach nilang si Jeff Napa.
Pinamunuan ni Reinhard Jumamoy ang opensa para sa NU matapos ilista ang 12 points, apat na rebounds at tatlong assists habang pasiklab din si Mo Diassana dahil sa binakas na tig-12 puntos at rebounds.
Sa kabila ng pagkapanalo, hindi pa rin kontento si Napa sa ipinakitang laro ng kanyang koponan, binigyang-diin nito ang bahagyang pagrelax ng Bulldogs sa third canto dahilan upang malamangan sila ng UE, 20-12.
Mabuti na lamang at lamang ang NU ng 22 puntos sa half time, 42-20 kaya nanatiling nasa tuktok sila sa pagtatapos ng third period, 54-40.
“Hindi ito dapat ‘yung resulta na gusto namin mangyari. This game, especially nung third quarter, medyo nagrelax eh. Yun ang kailangan namin ma-address next game against UP para ready kami talaga,” sabi ni Napa na nagdiwang ng kanyang ika- 45th kaarawan.
Tumulong din sa puntusan si PJ Palacielo para sa Bulldogs sa nilistang nine points, 12 rebounds, apat na assists at isang steal.
Humaba ang kamalasan ng Red Warriors, nalasap nila ang pangalawang sunod na kabiguan ngayong season.
Samantala, kumapit sa tuktok ng team standings ang last year’s runner-up University of the Philippines matapos nilang bugbugin ang Ateneo de Manila University, 94-75 sa ikalawang laro.
Tumikada si James Payosing ng 17 points, tatlong rebounds at dalawang assists para akbayan ang Fighting Maroons sa solo top spot hawak ang 2-0 baraha habang nadungisan naman ang Blue Eagles matapos ang dalawang laro.
Sa fourth quarter umarangkada sa opensa ang UP kaya naman naging madali sa kanila ang pagdagit sa Ateneo sa harapan ng 12,155 fans na nanood ng live
Dikitan ang naging iskor sa halftime kung saan Hindi naman nagpabaya ang UP sa payoff period, mas naging ganado sila upang manatili sa kanila ang bentahe at maduplikahan ang panalo nila sa opening day.
- Latest
















