84-anyos na lola, patay sa sunog
MANILA, Philippines — Hindi na nakalabas sa nasusunog niyang bahay ang isang 84-anyos na lola makaraang makulong ng apoy naganap sa Olongapo City, Zambales nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Claudia Bautista na ang bangkay ay narekober sa lugar matapos ang insidente.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Olongapo City, nangyari ang sunog, alas-7:00 ng gabi sa bahay ng biktima na matatagpuan sa kahabaan ng Bonifacio Extension, Brgy. Pagasa ng lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon, nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kanilang katulong habang ang ibang miyembro ng pamilya at kaanak na nasa 11 katao ay nasa unang palapag ng bahay nang sumiklab ang apoy na mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Sa taranta ay mabilis na nakalabas ang mga kaanak ng biktima maging ang katulong nito dahilan para maiwan at hindi na nakalabas ng bahay.
Naapula ang sunog, alas-8:16 ng gabi at narekober ang sunog na katawan ng matanda.
- Latest















