Atong Ang, hindi lumabas ng Pinas -- DOJ
MANILA, Philippines — Nasa loob pa ng Pilipinas ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, batay sa talaan ng Bureau of Immigration (BI).
Ito ang tinuran ni Justice Secretary Fredderick Vida na taliwas sa unang napaulat na nakalabas ng Pilipinas si Ang.
Sinabi ni Vida na wala siyang alam sa pinagmulan ng impormasyon ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nauna nang nagsabing huling nakita si Ang sa Cambodia.
“Kaya hindi ko makukumpirma na nakaalis na siya ng bansa kasi umaasa kami sa immigration records, at base sa immigration records wala kaming record na umalis siya,” sabi ni Vida.
Una nang sinabi ni Remulla na pinaniniwalaang nasa Cambodia na si Ang na dumaan sa “backdoor exit.”
Gayunpaman, inamin ni Vida na ang Pilipinas ay isang archipelagic country na may maluluwag na hangganan at maaaring gumamit ng backdoor exits ang mga pugante.
Tiniyak din ni Vida na nagpapatuloy ang pag-uusig kay Ang, na nahaharap sa mga kasong murder kaugnay ng mga nawawalang sabungero.
- Latest




















