‘Lend Me Your Ears!’
Kung naaliw kayo nung nakaraang Linggo
Sa “Mga Asar Sa History” na kwento ko,
Eto pa ilang napili ng Ang Poet N’yo,
Itutula muli kahit pwedeng ikwento!
Nang si Mary, Queen of Scots pinugot ang ulo,
Medyo pumalpak pa ang sablay na berdugo!
Nang ihataw palakol ‘di nakuhang one blow
Kaya NABITIN pa ang puputuling ulo!
Sa leeg kasi tila hindi dumiretso
At waring tumama muna sa bungo nito!
Kaya ginawa parang nilagare kuno
Lamang nagdurugtong sa leeg at sa ulo!
Ngek! Ngunit palpak ‘di pa nagtatapos dito
Dahil pagkapugot dapat itaas ulo
Upang mga saksi doon makita ito
Pero sumabit na naman ating berdugo!
Pagkat noon pala nakapeluka tao
Kaya nung dinampot na pinutol na ulo,
Hawak n’ya sa buhok itinaas n’ya ito!
Nakalas sa buhok ngek! Nahulog ang ulo!
Kung suriin talaga kasaysayan ng tao,
May mga kadiri rin sa tunay na kwento!
Tulad putol na tenga nama’t hindi ulo
Sa “nakidnap” daw ni John Paul Getty na apo!
Nang dinukot kasi apo ng bilyonaryo
At humingi ng ransom sa mayamang Lolo,
Si J. Paul Getty ay medyo nagdiskumpyado
Na pakulo lang ito ng rebeldeng apo!
Nang ‘di pansinin mga kidnappers sa gusto,
Pinadala tenga ng apong kapiraso!
Bayad si Lolo pero siningil din ito
Sa anak … may patong pang apat na porsyento!
Ngek! Pero sandali may napansin lang ako —
Sa tatlong sikat sa kasaysayan ng tao
Tungkol sa TAGPAS NA TENGA ay konektado
Lahat kay Peter and Paul o PEDRO at PABLO!
Mga John Paul Getty … Lolo, anak at apo!
At sino makakalimot kay Vincent Van Gogh?
Matapos kay PAUL Gauguin ay makipagtalo,
Tinagpas daw tenga n’ya sa init ng ulo!
Subalit kinokontra ng iba ang kwento
At si Gauguin daw talaga pumutol dito!
Nang ipinagtanggol lang ang sarili nito
Sa biglang pagsugod sa kanya ni Van Gogh!
Syempre pa si PETER o Apostol na PEDRO
Nang si Hesukristo na ay inaaresto!
Tenga ni Malchus tagpas sa espada nito!
Binalik lang ng Maestro sa isang milagro!
At ‘yan ang huli N’yang himala bilang tao!
Ang una’y ‘yung kasal sa Cana diumano
Nang kapusin sa alak itong salu-salo,
Nakiusap Inang Maria ng milagro!
Ano koneksyon ng dalawa palagay n’yo?
TINAGPAS NA TENGA at KASAL ng kung sino?
Sabi kay San Juan Ebanghelista raw ito!
Kay Hesus at Magdalena naman daw mismo!
Whoa! Cut it! Este medyo nahihilo na tayo!
Ops teka, sa palagay lang ng Ang Poet N’yo —
Kahulugan ng pinutol na tenga’y ito —
‘Wag basta maniniwala sa narinig n’yo!
- Latest
- Trending