‘Love is Two Match’ (LABIS...Too Much)

Nung nasa Tel Aviv kami, sabi ko kay Eileen, ‘Sa aking maybahay at Habibati, Merry Christmas na maluwalhati!’ Ang sagot ba naman sa akin, ‘Patatawarin po!’

Nung araw pag papasok na ‘ko ng trabaho,

Pagdating ng pintuan after beso-beso,

Eto malamyos na tanong maririnig mo —

“Anong oras ka uuwi?” tanong ng wife ko!

 

S’yempre hindi naman iinit ang ulo mo

At madalas ang pabiro pang sagot dito,

“Hindi pa nga ako nakakaalis nito

Darling, pinauuwi mo na agad ako!”

 

But now, matapos libo-libong beso-beso

At bumilang na ng mga dekada kayo

Ay malaki na s’yempre ang ipinagbago —

Eksena’y si lalaki nasa kama pa n’yo.

 

‘Di pa gumagayak… tinatamad pa d’yaske,

“Hindi ka pa ba aalis?” tanong ni wifey,

Bago sagot iinat muna si lalaki,

“Parang gusto ko na nga agad umuwi eh!”

 

Ngek! Nagbabago panahon, tao ri’y gayon,

Kung minsan nga ay may mga pagkakataon

Na sabay nangyayari — PAGSULONG… PAG-URONG!

‘Yan ang paksain natin — ang NOON at NGAYON!

At bakit naman hindi? Parang ulam lang ‘yan!

‘Yung kahapon ngayon uubra pa nga naman,

Paikot-ikot at pabalik-balik lamang,

Naturalmente ay meron ding kaibahan.

 

At meron pa ngang iba ang nararanasan

Na tila ba adobo ang nilalasahan

At higit pa raw ang sarap sa katagalan —

Kanilang pagsasama’t pagmamahalan!

 

LOVE IS EAT… at katulad din ng pagkain ‘yan

Pag ang tamang timpla ay inyong natsambahan,

Matamis at maalat ang buhay nga naman,

Basta’t mahalaga palaging may ASIM lang!

 

Sa paniniwala ang dapat lang na iwasan,

Lalo’t may almuranas na pagsasamahan

At amor ‘di na gaanong nararanasan,

Ay ang sa isa’t-isa ay maging maanghang!

 

Talaga nga lang buhay pag-ibig ay ganyan

Kapag nasa panahon pa nang kabataan,

Araw-araw ipinapangako ang buwan

Ngunit pagtanda… minsan ‘sang b’wan… swerte na ‘yan!

 

Sa simula nga ay laging magkahawakan,

Halos guhit ng palad ay magkabuhulan!

Subalit pagtagal-tagal alam n’yo naman,

Dalawang matanda na la’y nagpupulsuhan!

 

Nung unang panahon waring laging honeymoon,

Sa pagkain, kahit saa’y naghihintayan,

Panay mga pangako at pagsusumpaan,

Ang problema lang… nakalimutan na ngayon!

 

“Ang nais ko’y sabay tayong magkatandaan,”

Madalas nasasambit, kay sarap pakinggan,

May ilang kumakapit at may nang-iiwan

At kakapitan isang huklubang mayaman!

 

Pagsasamahan bang mahaba at maganda

Ay may taglay na sikreto, susi o pormula?

Isa lang ba ‘tong pagkakataong pagpapala

O ito’y mairaraos ng mag-asawa?

 

Sa palagay ko lang ito ay kanya-kanya

Upang magtagumpay ang isang pagsasama,

Kung may bait ang bawat isa sa dalawa,

Madali na lang ‘yat maganda nang umpisa.

 

Iba ang pagbibigay sa pagbibigayan,

Una’y isa lang ang isa’y pandalawahan,

Dalawa nga kayo ngunit dapat ISA LANG,

At ‘di yung kayong dalawa’y nag-iisahan!

 

Ang Poet N’yo lang ay may ipinagtataka —

WALA lahat ito kung WALA itong isa

Na may WALA sa kanya ngunit mahalaga —

Pampatibay ng pagsasama — TIWALA s’ya!

Show comments