Naubos ang naipon

Dear Dr. Love,

Ako po si Margs. Malaki ang kinikita ko bilang guro sa Thailand. Malapit sa akin ang may ari ng school doon. Lalo na kapag may mga okasyon. Tulad nating mga Filipino mahilig din sila magbigay kahit nga pera.

Nakaapat na taon lang ako roon dahil nagkasakit ang mister ko. Ang akala ko ay iiwan na niya ako. Na-stroke siya at kinailangang dalhin sa ospital, tumawag lang ang kapatid ko para makauwi ako agad dahil malubha na ang kanyang kalagayan.

Mabuti at tinulungan ako ng boss ko, pinabaunan niya ako ng perang panggastos. Tumulong din ang mga parents na sunod-sunod na nag-abot sa akin.

Laking pasalamat ko dahil nakauwi ako at nairaos ko ang mga bayarin sa ospital at gamot ng mister ko.

Ilang buwan din siyang hindi makakilos at kinakailangan din niya ang therapy.

Naubos lahat ng naipon ko. Dating marangya ang buhay namin, biglang nawala na ng parang bula. Ayokong sisihin ang mister ko dahil hindi naman siya naging pabaya sa aming anak. Talagang malakas lamang siya kumain kaya na-stroke siya.

Ngayon unti-unti nang gumagaling ang mister ko. At nagpaplano akong makapag-abroad muli kung papalarin.

Margs

 

Dear Margs,

Ganyan talaga ang buhay, sa hindi inaasahang pagkakataon masusubukan ang ating pananalig sa Maykapal. Mabuti at may mga tumulong sa inyo at may pera kang panggastos. Kahit naubos ang pera ninyo, ok lang naman iyon. Hindi naman matutumbasan ng pera ang kaligtasan ng buhay ng mister mo.

Manalig kang maibabalik sa inyo muli ang mga naubos ninyong pera. Huwag ka munang mangibangbayan kung hindi pa ganap na maga-ling ang mister mo.

Hayaan mong maramdaman niya ang iyong kalinga. Hangga’t maaari ay matutukan mong mabuti ang kanyang kalagayan. Pagpalain kayo ng Maykapal.

DR. LOVE

Show comments