Nasasaktan para sa ina

Dear Dr. Love,

Ako po si Jody. Hindi ko matanggap na away awayin ng tunay na asawa ng papa ko ang mama ko. Kahit hindi direktang sinasabi sa akin na sampid at manggagantso ang mama ko, ang sakit.

Ayokong manumbat. Ayokong sabihin na sila ang may pagkukulang kay papa. Kung mahal nila talaga ang papa ko, hindi na sana naghanap ng iba si papa.

Mahirap sa kalooban ko bilang anak kapag sinasabihan na “isa kang kabet” ang mama ko.

Pero kahit ganito ang aming situwasyon, alam kong mahal na mahal ni papa si mama sa kabila ng lahat.

Pasalamat ako dahil hindi kami pinabayaan ni papa.

Jody

Dear Jody,

Totoong may nagawang mali ang papa at mama dahil may unang pamilya na naghihinanakit.

Dahil mahal mo ang papa mo, hayaan mo na lang siya ang gumawa ng paraan para maayos niya ang gusot na ginawa niya.

Kung kailangan magpakumbaba at magpatawad ay gawin mo. Higit sa lahat, ipagdasal mo na matuto kayong magpatawad sa isa’t isa tulad ng Maykapal na handang magpatawad sa ating lahat.

Dr. Love

Show comments