Ipambabayad sa utang na loob

Dear Dr. Love,

Mukhang nagkatotoo sa akin ang kasabihang ang anak na babae ay pambayad ng utang.

Tawagin mo na lang akong Icel, 20 anyos at mayroon akong boyfriend since18-years old pa lamang ako.

Nabigla ako nang kausapin ako ni itay. Makipag-break daw ako sa boyfriend ko. Nang tumanggi ako ay binalaan akong itatakwil kapag lumabag ako sa kanyang kagustuhan. Gusto ni itay na sagutin ko ng oo ang manliligaw ko, na anak ng isang taong pinagkakautangan niya ng loob.

Ito ay dating barangay captain na nagligtas sa kanyang buhay sa mga gustong pumatay sa kanyang siga-siga.

Ito ay noong kapanahunang nanliligaw pa siya sa nanay ko. Naging kumpare niya at matalik na kaibigan ang taong ito.

Hindi ko alam na nagkasundo pala sila na ipakakasal ako sa anak ng taong ito pagda-ting ng araw.

Matindi ang aking pagtutol dahil mahal ko ang dalawang taon ko nang boyfriend. Sabi ni itay, pag-isipan ko raw itong mabuti dahil kahit mahal niya ako ay itatakwil niya ako kapag binigyan ko siya ng kahihiyan.

Ano ang gagawin ko?

Icel

Dear Icel,

Kahit suwayin mo ang kagustuhan ng tatay mo, wala kang pananagutan sa batas ng tao at ng Diyos dahil nasa edad ka na. ‘Yun nga lang, kapag sinuway mo siya ay masasaktan siya.

Pero masyadong selfish ang tatay mo at sariling kahihiyan lang ang inaalala.

Sarili mong kinabukasan at kaligayahan ang nakataya kapag nagpakasal ka sa taong hindi mo naman mahal.

Kaya ang huling pagpapasya ay nasa sa iyo. Tatay mo o kaligayahan mo?

Dr. Love

Show comments