Palengkerang misis

Dear Dr. Love,

Nang nililigawan ko pa lang ang misis ko, maganda siya at mahinhin.  Iyan ang mga kata-ngiang hanap ko sa isang babae. Bagamat high school lang ang natapos niya, okay lang para sa akin. Aanhin mo ang babaeng mataas ang pinag-aralan pero masama naman ang ugali?

Tawagin mo na lang akong Pepe. Tatlong taon na kaming kasal ng aking asawa at may isang anak.  Sa loob ng panahong iyan ay nagbago siya. Para akong nakikitungo sa ibang babae dahil malayo ang personalidad niya noon sa pagkatao niya ngayon.

Minsan, umuwi ako nang maaga mula sa aking opisina dahil masama ang aking pakiramdam. Malayo pa lang ako ay may narinig akong babaeng natutungayaw at nagmumura. Nang malapit na ako sa gate ng bahay namin, nakita ko ang misis ko na halos umaapoy ang mukha sa galit sa aming kapitbahay dahil lamang dumumi ang aso nito sa harap ng aming bahay.

Hindi lang ‘yun ang huling insidente. Minsan pinabarangay siya ng isa pa naming kapitbahay dahil sa masasamang salita na binitiwan nito sa kanya. Mabuti at nagkaaregluhan din sila sa barangay.  Dahil sa ugali niya, binansagan siya sa aming lugar na misis palengkera.

Wala tuloy akong mukhang maiharap sa mga kapitbahay ko kapag naglalakad ako sa labas. Pinagsabihan ko na ang misis ko na magbago pero siya pa ang may ganang magalit. Gusto ko na siyang hiwalayan dahil minsan, inaway ako ng mister ng babaeng pinagmumura niya. Ako na ang humingi ng dispensa. Ano ang gagawin ko?

Pepe

Dear Pepe,

Baka may emotional problem ang misis mo. Ang biglaang pagbabago ng ugali mula sa pagi-ging mahinhin tungo sa pagiging palengkera ay posibleng may malalim na dahilan.  Hindi kaya siya nababagot sa pagiging taong-bahay?

Hindi ka ba nagkukulang ng karinyo sa kanya o kaya ay nakakaligtaan ang mga maliliit na bagay na nakapagpapasaya sa isang babae? Mag-usap kayo at tanungin mo siya kung may problema siya. Usisain mo siya kung ano ang puwede mong ibigay sa kanya para siya ay sumaya.

Maglaan kayo ng oras para mamasyal kasama ang inyong anak para naman malibang siya. Kung tatlong taon na kayong nagsasama at puro gawaing bahay ang trabaho niya, tala-gang mabuburyong ang isang babae. Kung kaya mong kumuha ng kasambahay, ikuha mo siya ng makakatulong sa mga gawaing pantahanan.

Dr. Love

Show comments