Mahiyain

Dear Dr. Love,

Just call me Donato. Beinte-uno anyos na ako pero hindi pa ako nakararanas magka-girlfriend. Hindi naman ako pangit pero ewan ko ba kung bakit parang iniiwasan ako ng mga babae. Kaya lagi na lang akong nasa isang sulok at nakatunganga habang ang mga friends ko ay may ka-date sa mga gimmick.

Isa pa, mahiyain ako. Inggit na inggit ako sa mga kaibigan kong may mga siyota na. Sa ngayon ay may crush ako pero nahihiya akong magparamdam.

Ni sa mga kaibigan ko ay hindi ko ito masabi dahil nahihiya ako. Gusto kong sulatan ang chicks na ito pero nagdadalawang-loob ako. Baka magalit siya.

Ano ang dapat kong gawin?

Gumagalang,
Donato


Dear Donato,


Hindi babae ang umiiwas sa iyo. Iniiwas mo ang iyong sarili sa mga babae dahil sa sobra mong kakimian.

Tandaan mo, hindi palay ang lalapit sa manok. Lalaki ka, you make the first step.

Bakit ka matatakot? Ang lalaki ay nilikha para manligaw sa babae. At alam mo ba na nakatataba ng puso sa isang babae na maligawan?

Kaya baguhin mo na ang ugali mo at ibasura ang labis na pagkamahiyain.

Dr. Love

Show comments