^

Dr. Love

Promises, promises, promises

-
Dear Dr. Love,

Isa po ako sa marami ninyong tagahanga at hindi ko sukat akalain na balang araw ay isa rin ako sa mga maghahain ng suliranin para bigyan ninyo ng kaukulang solusyon.

Mayroon po akong boyfriend sa ngayon pero parang nagkakalabuan na kami dahil ang pakiramdam ko, ang turing na lang sa akin ni Bob ay isa na lang sa kanyang maraming kaibigang babae.

Hindi ko siya palaging mahagilap kung kailangan ko siya at marahil, sa tagal na rin ng aming relasyon ay hindi na rin siya inaasahang dumalaw o kaya’y tumawag katulad ng ginagawa niya noon.

Nagsimula kami na masaya, walang problema at lagi niyang sinasabi sa akin na pakakasal na kami. Marami siyang pangarap sa buhay. Magpapatayo na siya ng sarili naming bahay para kung kasal na kami, hindi na kami mangungupahan.

Pero kung noon ay nababanggit niya ang mga pangarap na ito tuwing mag-uusap na kami, sa ngayon ay hindi na.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa paglabo ng katuparan ng mga pangarap na ito. Dalawang ulit ko ng nabanggit sa kanya kung bakit tila nagbago na siya. Wala naman daw problema.

Pero hindi naman ako manhid para hindi mahiwatigan ang pagbabago niyang ito.

Sa tingin po ba ninyo, may iba na siyang minamahal? Hindi ko po alam kung ako ay may nagawang kamalian dahil kung suriin ko naman ang mga bagay-bagay, ang ako na kanyang nakilala noon hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago sa kanya.

Tulungan po ninyo ako na mabawi uli ang pagtingin ni Bob. Mahal na mahal ko po siya.

Hanggang dito na lang po at mabuhay po kayo.

Gemma


Dear Gemma,


Maraming dahilan kung bakit nagkakalabuan ang relasyon ng magkasintahan. Maaaring alinman sa inyo ay nakapagmuni-muni, may nakilalang ibang mas napatunayan niyang mahal niya o kaya naman ay dahil sa tagal nang pagiging magnobyo ay wala nang "thrill" ika nga ang pagsasama ninyo.

Ang sabi mo, sinuri mo ang sarili mo at hindi ka naman nagbago. Hindi kaya dahil sa tagal na ng inyong pagiging magkasintahan ay naging boring na ang turing niya sa mga bagay na nakagawian ninyong gawin, lugar na pinapasyalan o kaya naman ay inip na siya sa pangarap niyang pagpapakasal.

Hindi mo nabanggit kung ang plano niyang pagpapatayo ng bahay ay nagawa na niya. Hindi kaya naman bigo pa rin siya sa pangakong ito at ang palagay niya sa sarili niya ay hindi makatupad ng mga sinasabi niya sa iyo?

Ikaw at siya o kayo ang dapat na umusisa sa sarili ninyo kung saan nga ba patutungo ang inyong relasyon.

Maging maunawain ka at suriin kung talagang nagbago na siya at kung mayroon na siyang ibang kasintahan na pinag-uukulan ngayon ng pansin.

O baka naman ikaw ay mayroon ding problema na hindi mo maamin sa sarili? Malambing ka ba sa kanya? Inuunawa mo ba siya? Gumagawa ka ba ng paraan para magkaroon siya ng mga sorpresang inaasahan sa inyong pagkikita? Malimit ba kayong hindi magkaunawaan kung nagkikita kayo?

Kung masasagot mo ang mga tanong na ito, maaari mo nang makuha kung bakit nagkaganyan ang inyong relasyon.

Dr. Love

vuukle comment

AKO

DEAR GEMMA

DR. LOVE

KUNG

NAMAN

NIYA

PERO

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with