Talagang mahal ko siya

Dear Dr. Love,

Nagpapasalamat po ako dahil may column na tulad nito. I know marami ka nang nabigyan ng advice at malaking tulong ka para sa mga may problema tulad ko.

Call me "BNZ". Ito ang kuwento ko

Mayroon po akong girlfriend, si Miss Cancer. Kasama ko siya sa trabaho. Ang problema ko po ay tungkol sa kanyang kapatid at mga taong nakapaligid sa amin.

Hindi ko pa man po nililigawan noon si Miss Cancer ay sinisiraan na ako sa kanya ng kanyang kapatid at iba pa. Kesyo hindi ko raw siniseryoso ang mga naging girlfriend ko at matapos ko raw makuha ang gusto ko, iiwanan ko na siya.

Hindi po totoo yon. Aaminin ko na bago siya ay mayroon akong naunang girlfriend. Pero hindi ko ginawa 'yon at mismong si Miss Cancer pa ang nagkukuwento sa akin. Nasaktan ako sa paninira ng kanyang kapatid at dahil malapit kami sa isa’t isa ni Miss Cancer, niligawan ko siya at naging girlfriend ko at iyon ay lihim. Nakadama ako ng kaligayahan dahil sa kabila ng mga paninira sa akin ay minahal niya ako.

Hindi nagtagal at nalantad ang relasyon namin at sinabihan ako na iwasan na siya.

Sa kabila nito, napagkasunduan namin na ituloy ang relasyon namin at dito ay nakatikim na siya ng mga sampal. Gusto ko siyang tulungan pero wala akong magawa. Iyon ang aking kahinaan. At dito ay nagpasya siyang tapusin na namin ang aming relasyon. Noong una, ayaw kong pumayag. Pero hindi natigil ang gulo sa bahay nila at nakikita kong nahihirapan na siya kaya pumayag na ako kalaunan.

Sa ngayon, mayroon siyang manliligaw at botong-boto silang lahat sa kanya. Dr. Love, nararamdaman kong nahulog na ang loob ko kay Miss Cancer. Nasasaktan ako kung nakikita kong namamasyal sila at inihahatid siya sa bahay. Sa unang pagkakataon, lumuha ako.

Kinausap ko siya tungkol doon at sinabi niya na friends pa lang daw sila.

Hahayaan ko na lamang bang mapunta sa iba ang babaeng minahal ko at nakapagpabago ng buhay ko? Hirap na hirap na po ako. Sana matulungan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin?

Umaasa,
BNZ


Dear Mr. BNZ,


Talagang madarama mo lang na mahal na mahal mo ang isang tao kung wala na siya sa iyo at namimingit nang makuha ito ng iba.

Hindi ko alam kung bukod sa pagiging "playboy" ay mayroon pang ibang inaayawan sa iyo ang kanyang kapatid at iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya.

Sana kung mahal mo talaga si Miss Cancer, kinausap mo nang masinsinan ang mga taong umaayaw sa iyo at ipinakita mong talagang tapat ang layunin mo sa kanya.

Nang sabihin sa iyo ni Miss Cancer na sinasaktan na siya, bakit hindi mo man lang siya inalok na magpakasal na kayo para matigil na ang pagmamalupit sa kanya?

Maaaring hindi ka pa handa na magpamilya, hindi ba?

Kung talagang mahal mo siya gaya nang sinasabi mo, ipakita mong totoo ang sinasabi mo.

Dr. Love

Show comments